Kung Kaya Nyo, Kaya Rin Namin
Kung Kaya Nyo, Kaya Rin Namin
“Lahat ay pantay-pantay, naiiba lamang dahil sa baluktot na sistemang pinaiiral”-Unknown
Hindi lingid sa ating kaalaman na kaya nagkakaroon ng pagkakaiba-iba ay dahil sa pagkukumpara kabilang na rito ang pagkukumpara sa larangan ng edukasyon. Ngunit iisa lang dapat ang layunin, hindi ba? Ang makapagtapos ng may natutunan, at maging marangal na mag-aaral. Ngunit hindi pa rin maiiwasan ang mga mapang-mataas na mag-aaral. Nariyan ang pangmamaliit sa ibang mga strand.
Sa aking palagay, hindi lamang lubos na nauunawaan ng ibang mag-aaral ang tunay na gawain ng isang strand. At sa artikulong ito, hindi lamang isang pagpuna kung hindi pagbibigay kaliwanagan na rin na ang Tech-Voc ay hindi Tech-Voc lang. Dito, malalaman ninyo na kung kaya niyo, kaya rin namin.
Saan pa nga ba tayo magsisimula? Ang ABM o Accountancy and Business Management. Sa strand na ito ay talaga namang mahihimay ang iyong galing sa kaalaman sa mga numero. Sapagkat sa Accountancy ay paniguradong puputok ang iyong pasensya dahil sa nakaduduling na iba’t-ibang mga pormula. Hindi lamang iyon kung hindi natututunan din dito kung paano ang tamang paghawak at pagpapatayo ng isang negosyo. Maaaring isipin ng iba, “Mayroon ba ang Tech-Voc niyan?” Ang sagot ay oo, meron niyan. Sapagkat napakalaki ng posibilidad na magtayo ng negosyo ang isang Tech-Voc students dahil na rin sa mga serbisyong magagawa at produktong maaaring ibenta. Doon pa lamang ay nasusubukan na ang pagiging negosyante ng isang mag-aaral.
Bukod pa roon ay hindi mapagkakaila na pagdating sa ICT ay hindi mawawala ang business sa programming. Maliban sa pagbuo ng websites ay natututo rin sila sa paggawa ng “apps” o application na maaaring ibenta. Kaya rin ng Tech-Voc, hindi ba?
Dumako naman tayo sa strand kung saan talaga namang hinahangaan ng karamihan, ang STEM. Tunay nga namang maipagmamalaki, ngunit hindi pa rin maikakaila na kung anong mayroon kayo ay mayroon din ang Tech-Voc. Sapagkat sa pagbuo pa lamang ng isang bagong putahe o inumin ay ginagamitan na ng siyensya. Nariyan ang mga bitamina at nutrients na hindi mawawala sa pagluluto ng pagkain. Sa agham, dapat alam ng isang estudyante ang mga kasangkapan na maaari at hindi maaaring pagsamahin.
Hindi lamang agham ang mayroon ang Tech-Voc, pati na rin ang matematika. Halimabawa na lamang ang pagkakalkula ng tamang dami o sukat ng mga kasangkapan na dapat gamitin sa pagluluto at pagco-costing sa mga ingredients na bibilhin sa merkado.
Ang huling tatalakayin ay ang HUMSS. Pagdating sa strand na ito ay magiging palaban ka sapagkat ipaglalaban mo ang tama at dedepenahan ang sarili mo. Gayundin ang gawain ng isang Tech-Voc student, palaban. Sapagkat hindi lamang mga guro kung hindi mga propesyonal at mga kritiko ang kahaharapin upang idepensa ang produktong iyong ginawa. Nariyan din ang tibay ng loob at kakaibang sigla upang maengganyo ang mga nakikinig na maaaring maging interesado sa iyong produkto o serbisyong inaalok.
Isa pa sa mga pinagaaralan dito ay ang batas. Sapagkat ito ang magsisilbing gabay sa mga dapat at hindi dapat gawin na may katumbas na parusa kung malalabag. Sinisigurado nila na hindi labag sa karapatang pantao o pangkalikasan ang kanilang ginagawa.
Hindi na rin bago para sa mga Tech-Voc students ang pag-aaral ng kaugalian o kasanayan ng isang tao. Halimbawa na lamang ang mga Home Economics students na nakakasalamuha ng iba’t-ibang lahi. Nararapat lang na alam nila ang paguugali at tradisyon sa bawat bansa upang malaman ang mga nararapat at hindi dapat iasta kapag nakakasalamuha nila ang mga ito.
Sa pagtatapos ng artikulong ito, naniniwala ako na hindi sa isang strand nakabase ang tagumpay at pagiging magaling ng isang magaaral. Kung hindi sa dedikasyon sa pagaaral, kakanyahan at kaisipan. Pantay-pantay lamang ang mga strand na ito kung kaya hindi nararapat na maliitin hindi lamang ang Tech-Voc kung hindi pati na rin ang ibang mga strand. Kung anong ginagawa nyo ay ginagawa rin namin.
Nawa’y may natutunan kayo, at malaman ninyo na ang pagkamit ng tagumpay ay nasa inyo mismo at hindi sa kung ano ang sinasabi ng tao. Maging taas noo ka sa kung ano mang strand ka kabilang. Dahil kung kaya nilang magtagumpay, kaya mo rin. Hindi ba? - J. Bartolata
Comments
Post a Comment